Wednesday, March 5, 2008

Sandosenang sapatos


SAPATERO SI TATAY.

Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming bayan. Marami ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga sapatos ni Tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina.

Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng kanyang mga sapatos.Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas?Parang may madyik ang iyong kamay!Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay.

Tahimik na tao si Tatay. Bihirang magsalita.

LUMAKI AKONG KAPILING ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay kinaiinggitan ako ng mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago ang sapatos ko kapag pasukan, kapag pasko, kapag bertdey ko, o kung nakatanggap ako ng honors sa klase.

Ginagawan pa niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga tira-tirang balat at tela.Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko. Sa 'kin napupunta lahat ng pinagkaliitan n'ya, himutok ng isang kaklase.

Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal naming hinintay na magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na raw ang matagal nilang dasal na masundan ako.

Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di bale, dalawa na kaming igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon.Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.

Nagpa-check up ako kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging anak natin!Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet. Gusto kong magkaanak ngballet dancer! Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang gumawa ng mga sapatos na pang-ballet.

PERO HINDI LAHAT ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming lahat nangmakita ang bago kong kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na putol ang dalawang paa!Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng kapatid ko.

Siguro raw ay binalak na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya kulang-kulang ang parte ng katawan. Nilusaw raw ng mga mapinsalang gamot ang kanyang mga paa. Isinumpa raw ng mga diwata ng sapatos si Tatay dahil mahal na itong sumingil sa mga pasadyang sapatos. O baka raw ipinaglihi si Susie sa manika.

Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measles habang ipinagbubuntis ko pa lang ang kapatid mo. At iyon ang naging epekto, malungkot na kuwento ni Nanay.

Hindi na magiging ballet dancer ang kapatid ko. Malulungkot si Tatay. Araw-araw, ganun ang naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni Susie. Kaya pinilit ko si Nanay na muling pag-aralin ako sa isang ballet school (dati kasi, ayaw kong mag-ballet).

Pero...Misis, bakit hindi n'yo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o sa painting, o sa banduria class? Hindi yata talagang para sa kanya ang pagsasayaw, sabi ng titser ko sa Nanay ko.Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at Susie, at sa mga pangarap na masyadong mailap.

SAKSI AKO KUNG paanong minahal siya nina Tatay at Nanay. Walang puwedeng manloko kay Bunso. Minsan, habang kami ay nagpipiknik sa parke, may isang mama na nakakita kay Susie.
Tingnan n'yo o, puwedeng pang-karnabal yung bata! turo nito kay Susie.

Biglang namula si Tatay sa narinig. Tumikom ang mga kamao. Noon ko lang nakitang nagsalubong ang mga kilay ni Tatay. Muntik na niyang suntukin ito.Ano'ng problema mo, ha?Mabuti't napigilan siya ni Nanay.Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama, narinig kong kinakausap ni Tatay si Susie.

Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng Nanay mo na lumaki kang mabuting tao at buo ang tiwala sa sarili. Masuyo niya itong hinalikan.Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero napansin ko, kapag sinusukatan niya ang paa ko, napapabuntung-hininga siya. Pagkatapos ay titingin sa kuna.

Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na gawa ni Tatay bulong ko sa kanya.

LUMAKI KAMI NI Susie na malapit ang loob sa isa't isa. Hindi naging hadlangang kawalan niya ng paa para makapaglaro kami. Marami namang laro na di nangangailangan ng paa. Lagi nga niya akong tinatalo sa sungka, jackstone, scrabble, at pitik-bulag. Ako ang tagapagtanggol niya kapag may nanghaharotsa kanya. Ako ang tagatulak ng wheelchair niya. Ako ang ate na alalay!Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad.

Parehong magaling ang aming kamay kaysa aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa pagsusulat ngmga kuwento. At oo nga pala, si Tatay, kamay rin ang magaling sa kanya!

MINSAN, GINISING AKO ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang pambihirang sapatos. Napakaganda raw nito sa kanyang mga paa.

May paa siya sa panaginip? gulat na tanong ko sa sarili.Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap!

Magbebertdey siya noon. At napansin ko, tuwing nalalapit na ang kanyang kaarawan, nananaginip siya ng mga sapatos.Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet at may malaking buckle sa tagiliran.

Binanggit din niya sa akin ang sapatos na kulay asul na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri niya. Ang sapatos na puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Ang sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga bituin. Ang sandalyas na parang lambat. Ang kulay lilang sapatos na maynakadikit na bilog na kristal sa harap.

Manghang-mangha ako sa kung paanong natatandaan niya maski ang pinakamaliliit na detalye ng mga sapatos - ang disenyong bulaklak, ribbon, butones, sequins, beads, o buckle. Inaangkin niya ang mga sapatos na 'yon.Ate, paglaki ko, susulat ako ng mga kuwento tungkol sa mga sapatos na napapanaginipan ko. Ikaw ang magdodrowing, ha??

PAGLIPAS PA NANG ilang taon, namahinga na si Tatay sa paglikha ng mga sapatos. Gumagawa na lamang siya ng sapatos para sa mga suking di matanggihan. Noong nagdaos siya ng kaarawan, niregaluhan ko siya ng isa kong painting na may nakapintang isang pares ng maugat na kamay na lumilikha ng sapatos. Binigyan naman siya ni Susie ng isang music box na may sumasayaw na ballet dancer.Pinasaya n'yo ang Tatay n'yo, sabi ni Nanay.Pagkatapos noon, naging masasakitin na siya. Labindalawang taon si Susie nang pumanaw si Tatay.

ISANG ARAW, HINDI sinasadya'y napagawi ako sa bodega. Naghahalungkat ako ng mga lumang sapatos na puwedeng ipamigay sa mga bata sa bahay-ampunan. Sa paghahalughog, nabuksan ko ang isang kahong mukhang matagal nang hindi nagagalaw. Naglalaman ito ng maliliit na kahon. Mga kahon ng sapatos na maingat na nakasalansan!Para kanino ang mga sapatos? May umorder ba na hindi nai-deliver?? tanong ko sa sarili.

Pero nang masdan ko ang mga pares ng sapatos na yon, nagulat ako. Taglay ng mga sapatos ang pinakamahuhusay na disenyo ni Tatay. Iba-iba ang sukat nito. May sapatos na pang-baby. May sapatos na pambinyag. May pang-first communion. May pangpasyal. May pamasok sa eskuwelahan. May pangsimba. May sapatos na pang-dalagita.

Lalo akong nagulat nang mabasa ang kanyang dedication sa nakasabit na papel:Para sa pinakamamahal kong si Susie, Alay sa kanyang unang kaarawanInisa-isa ko ang mga kahon. Lahat ng sapatos na nandoon ay para kay Susie. Diyata't iginagawa ni Tatay si Susie ng mga sapatos?

Para kay Susie, lugod ng aking buhay Sa pagsapit niya ng ikapitong kaarawanTaon-taon, hindi pumalya si Tatay sa paglikha ng sapatos sa tuwing magdaraos ng kaarawan si Susie! Sandosenang sapatos lahat-lahat.Handog sa mahal kong bunso Sa kanyang ika-12 kaarawan.

Napaiyak ako nang makita ang mga sapatos. Hindi ko akalaing ganun pala kalalim magmahal si Tatay. Binitbit ko ang sandosenang sapatos at ipinakitako kina Nanay at Susie.

H-Hindi ko alam na may ginawa siyang sapatos para sa yo, Susie. Namuo ang luha sa mga mata ni Nanay. Inilihim niya sa akin ang mga sapatos??A-Ate, ito ang mga sapatos na napanaginipan ko. Hindi makapaniwalang sabi ni Susie habang isa-isang hinahaplos ang mga sapatos.Ha??

Noon ko lang naalala ang mga sapatos na ikinukuwento ni Susie.Dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap. Kulay pulang velvet na may malaking buckle sa tagiliran. Asul na sapatos na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri. Kulay puti na may kaunting takong at may ribbon na pula. Sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga bituin.

Sandalyas na parang lambat. Kulay lilang sapatos na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni Susie para maipasuot sa kanya ang mga sapatos?Hindi ko tiyak.Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang sapatos para kay Susie.

(This story won First Prize, Maikling Kathang Pambata in the 2001 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature)

2 comments:

Anonymous said...

this is a wonderful and a fabulous story!!!!!EXCELLENT

rosie said...

hndi matawarang galing s pg-likha ng isang kwento!!!bravo!!mbuhay ang gumawa nito..